Limitadong face-to-face classes sa CEU, aprubado na ni Mayor Isko

(Manila PIO)

Inaprubahan na ni Mayor Isko Moreno ang hiling ng Centro Escolar University (CEU) na magsagawa ng limitadong face-to-face classes sa kanilang School of Dentistry.

Ayon kay Mayor Isko, kailangan ng karagdagang healthcare worker ngayon lalo na at may kinakaharap na pandemya ang bansa sa Covid 19.

“Wala tayong maa-achieve if we stagnate. We believe in those institutions who will ask the permission of the City to hold limited face-to-face classes,” pahayag ni Mayor Isko.

Maari aniyang makakuha ng libreng swab test ang mga guro ng CEU gayundin ang mga papasok na estudyante.

“If you feel as if you need your students to be tested, the City of Manila is offering the free swab testing that we have to help. Huwag kayong mag-alala. You have the support of your city,” pahayag ni Mayor Isko.

Sinabi naman ni CEU president Dr. Maria Cristina Padolina, na naantala ang graduation ng ilang estudyante matapos hindi makapag-practicum dahil sa quarantine restrictions na ipinatupad ng pambansang pamahalaan noong nakaraang taon.

Una nang inaprubahan ni Mayor Isko ang plano ng University of Santo Tomas (UST) na maglunsad ng face-to-face classes sa kanilang medical at allied health programs.

 

Read more...