Bayanihan 3 napapanahon ayon kay Rep. Quimbo

Hindi nawawalan ng pag-asa si Marikina Rep. Stella Quimbo na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang House Bill 8628 o panukalang Bayanihan 3 Law. Ayon kay Quimbo, isa sa may-akda ng Bayanihan 3, nawa’y ikunsidera ng economic managers ng administrasyong Duterte ang Bayanihan 3 bago sabihing hindi ito kakayanin dahil sa isyu ng pondo. Napapanahon na aniya ang Bayanihan 3 lalo’t naitala na ang 9.5% contraction o pagbagsak sa Gross Domestic Product (GDP). Dagdag ng kongresista, sana ay i-assess “objectively” ng mga economic manager ang lahat ng mga datos na lumalabas, gaya ng jobs losses o dami ng mga nawalan ng trabaho, mga nagsarang negosyo at iba pa, na dala na rin ng COVID-19 pandemic. Naniniwala si Quimbo na kung bibigyan ng tsansa ng economic managers at sesertipikahan bilang urgent ng pangulo ang Bayanihan 3 ay maibibigay sa mabilis na panahon ang ayudang-pampamilya, pang-manggagawa at maliliit na negosyo. Nauna nang sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na kailangan ang Bayanihan 3 dahil hindi pa naging sapat ang Bayanihan 1 at 2 upang makaahon ang ekonomiya at matulungan ang mga dapat pang maabutan ng ayuda.

Read more...