BI, nakakolekta ng P5.9-B kita noong 2020

Sa kabila ng COVID-19 pandemic, nakakolekta ang Bureau of Immigration (BI) ng halos P5.9 bilyong kita sa taong 2020.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, umabot sa P5.88 bilyon ang kabuuang halaga ng kita ng ahensya mula sa immigration fees.

36.1 porsyento itong mas mababa kumpara sa record high income na P9.3 bilyon noong taong 2019.

Ani Morente, inaasahan na nilang bababa ang kita ng ahensya dulot ng pandemya.

“With more foreign nationals going out of the country than going in, we were able to collect less revenue from visa applications,” pahayag nito.

Dagdag pa nito, nasuspinde ang mga transaksyon sa BI nang mahigit dalawang buwan matapos ideklara ang lockdown noong March 2020.

Gayunman, sinabi ni Morente na umaasa ang BI na unti-unting maibabalik sa normal ang revenue collection efforts sa taong 2021.

Kasunod aniya ito ng inaasahang pagdating ng mga bakuna laban sa COVID-19 at oras na maialis ang international travel restrictions.

Ayon naman kay BI Finance Chief Judith Ferrera, posibleng nakapagtala ng panibagong record high income ang ahensya noong 2020 kung hindi nagkaroon ng pandemya.

Malaki, ani Ferrera, ang pinagkukunan ng kita ng ahensya sa visa processing at extension fees, fines at penalties, clearance at certification taxes, at immigration tax.

Read more...