Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala upang maglaan ang pamahalaan ng karagdagang pondo upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng House Bill 8628 o Bayanihan to Arise As One Act (Bayanihan Three) na inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo nais ng mga ito na maglaan ang pamahalaan ng P420 billion na pondo ang gobyerno para dito.
Ayon kay Velasco hindi sapat ang Bayanihan One at Bayanihan Two para tugunan ang pangangailangan na makaahon ang ekonomiya.
Giit ni Velasco, “Given that actual economic output in 2020 was far below what was assumed for budget purposes, and further losses may still be incurred as the COVID-19 pandemic is expected to prevail well into the current fiscal year, an additional economic stimulus package is needed to help the government meet its recovery targets for the year.”
Nakasaad sa panukala na mapupunta ang P52 billion para sa subsidiya sa mga maliliit na negosyo upang pampa suweldo at iba pang kailangan; P100 billion para sa capacity-building ng mga negosyo na nasa kritikal na kondisyon; P108 billion naman ang mapupunta upang makaragdagang social amelioration sa mga pamilyang sobrang apektado ng pandemya sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development; P70 billion ang ilalaan na tulong sa mga magsasaka, mangingisda at mga livestock.
Maglalaan din sa ilalim ng panukala ng P30 billion para sa cash-for-work programs ng Department of Labor and Employment; P30 billion para internet allowance ng mga estudyante ng elementary, high school at college kasama ang mga guro sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Bukod dito mayroon ding P5 billion na ilalaan sa Department of Public Works and Highways upang pampagawa ng mga imprastrakturang nawasak ng kalamidad.
Karagdagang P25 billion naman ang mapupunta sa Department of Health na pambili ng gamot at bakuna sa COVID-19 kasama ang gastos para sa logistics at information awareness campaigns.
Sa ngayon, mayroon ng 115 miyembro ng Kamara mula sa iba’t ibang major political parties at power blocs ang nagpahayag ng susporta sa panukala.