Sen. Win Gatchalian kontra sa planong bigyan na lang ng passing grade ang mga mag-aaral
By: Jan Escosio
- 4 years ago
Mapait sa panlasa ni Senator Sherwin Gatchalian ang iminumungkahing bigyan na lang ng pasadong grado ang lahat ng mga mag-aaral dahil sa nagpapatuloy na COVID 19 crisis.
Depensa ni Gatchalian sa kanyang posisyon, may mga mag-aaral na mahina sa ilang subjects at kailangan na malaman ang kanilang kahinaan para angkop na tulong ang ibibigay sa kanila.
Aniya kung ipapasa ang lahat ng mga mag-aaral, hindi na malalaman kung saan subject sila dapat tulungan at babagsak lang siya sa nasabing subject pagtungtong niya sa susunod na grade level.
“Kung lahat po ay ipapasa natin hindi natin sila matutulungan, imbes na matulungan natin siya, lalo nating siyang pahihirapan pag-akyat na sa susunod na baiting,” sabi pa ni Gatchalian.
Kasabay nito, sinabi pa ng senador na dapat paghandaan na ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education ang pagbabalik ng face-to-face classes kahit hindi pa tiyak na mangyayari ito pagdating ng mga bakuna.
Aniya nahihirapan ang mga estudyante kahit ang mga guro sa distance learning system at dagdag pa nito dapat gawing prayoridad ang mga guro sa padating na mga bakuna.