Mga pulis, nilabag ang karapatang pantao ng mga magsasaka sa Kidapawan – CHR

Photo from Kilab Multimedia
Photo from Kilab Multimedia

Base sa mga nakalap nilang testimonya mula sa mga testigo, malakas ang paniniwala ng Commission on Human Rights (CHR) na nilabag ng mga pulis ang karapatang pantao ng mga magsasaka sa Kidapawan City nang mauwi sa dahas ang dispersal ng mga nag-protesta.

Nakabuo na ng ulat ang CHR sa pamamagitan ng pangangalap ng mga impormasyon, testigo at mga sinumpaang salaysay ng limang miyembro ng CHR na tumungo sa Kidapawan para mag-imbestiga kaugnay dito

Sa mga inisyal na impormasyon pa lamang ay naniniwala na si CHR Region 12 Director Erlan Deluvio na inabuso ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan.

Ayon kay Deluvio, nagkaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao at maging sa “United Nations guidelines on the use of force by law enforcers.”

Ani pa Deluvio, nanikluhod na ang mga magsasaka ngunit binaril pa rin sila ng mga pulis.

Gayunman, aminado sila na hindi pa nila nakukuha ang panig ng mga pulis na naroon at hindi pa nila napag-aaralan ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) mula sa hepe ng probinsya hanggang kay Director General Ricardo Marquez.

Matatandaang nagsimula ang pagbabarikada ng mga magsasakang nag-protesta sa Cotabato-Davao Highway sa Kidapawan City upang humingi ng ayuda mula sa gobyerno dahil sa dinaranas nilang gutom dulot ng El Niño.

Ngunit nauwi ito sa madugong pagpa-pang-abot ng mga pulis at mga magsasaka kung saan 3 ang nasawi at hindi bababa sa 50 ang nasugatan.

 

Read more...