Naghain ng resolusyon sa Senado si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na humihiling na matigil muna ang operasyon ng lahat ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) sa bansa.
Sa kanyang Senate Resolution No. 638, ikinatuwiran ni Recto na nagpalabas ng kautusan ang Department of Transportation at LTFRB para sa pagbubukas ng PMVICs sa gitna ng pandemya.
Ayon pa kay Recto hindi rin nagsagawa ng komprehensibong konsultasyon ang dalawang tanggapan ng gobyerno sa mga kinauukulang sektor at grupo.
Binatikos ng mga motorista ang ginawang hakbang ng DOTr at LTFRB kasabay nang pagkuwestiyon sa integridad ng mga makina ng PVMICs, gayundin ang 72-point series of road worthiness.
Napuna rin, dagdag pa ni Recto, ang mataas na inspection at re-inspection fees na sinisingil ng PMVICs at may kumukuwestiyon na rin sa legalidad ng operasyon ng mga ito bukod sa pagdududa na magiging ugat naman ito ng korapsyon.