Nagpakita ng suporta ang isang grupo ng mga Pilipino na nakabase sa The Hague, The Netherlands sa pagharap ng posisyon ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal kaugnay ng kasong isinampa nito laban sa China hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Nagdaos ng protesta ang Tindig PINAS (Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya, People’s Unity for National Sovereignty) sa harap ng Peace Palace kung saan mariin nilang tinututulan ang patuloy na pangangamkam ng China sa mga teritoryo na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon kay Tindig PINAS Spokesperson Grace Punongbayan, nilabag ng China ang International law kung saan nakapaloob ang UN Convention on the Law of the Seas, convention on the environment at ang freedom to navigate in the high seas.
Samantala, sa kabila ng pagtulong ng Amerika ay tinututulan din ng grupo ang patuloy na pakikialam nito sa usapin ng mga pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi ni Punongbayan na ginagamit lamang ng Amerika ang territorial disputes upang makapagtayo ito ng mga military bases sa bansa at sa buong Asia Pacific region.
Dagdag pa nito na mas lalo lamang pinalala ng Amerika ang hidwaan na namamagitan sa China at Pilipinas. Umaasa naman ang grupo na malaki ang laban ng Pilipinas at kakatigan ng Tribunal ang mga desisyon nito upang maresolba na ang matagal ng problema sa agawan ng teritoryo.
Inaasaahang magpapalabas ng desisyon ang arbitration court sa loob ng 90 araw.
Nauna ng nagpakita ng suporta sa delegasyon ng Pilipinas ang ilang militanteng grupo sa bansa kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), National Union of Students of the Philippines, at ang College Editors’ Guild of the Philippines./ Fredmore Cavan