100 katao inilikas sa Valenzuela

Tullahan River Chona
Tullahan River, kuha ni Chona yu

Mahigit isang daang katao ang inilikas sa A. Fernando Street sa Marulas, Valenzuela dahil sa pagtaas ng tubig baha.

Pansamantala ay nasa Valenzuela National High School ang nasa 32 na mga pamilya. Umabot kasi sa hanggang bewang tubig baha sa kanilang mga tahanan.

Sa ngayon, humupa naman na ang tubig baha sa tirahan ng mga inilikas na residente.

Pero ayon kay Ruby Radam, Day Care Worker ng Valenzuela, hindi pa muna pinauuwi ang mga residente, dahil may nararanasan pang pabugso-bugsong pag-ulan lalo pa at may umiiral na heavy rainfall warning sa Metro Manila.

Samantala, sa Barangay 178 sa Camarin, Caloocan, patuloy na pinaghahanap ang onse anyos na batang si Gerald Borla matapos mapaulat na malunod sa isang creek.

Ayon kay Ginang Marife Borla, ina ng bata, kahapon ng umaga ay niyaya si Gerald ng kaniyang kaibigan para maligo sa creek.

Pero nalunod umano at tinangay ng agos ang bata. Tinangka pa itong isalba ng kaniyang kaibigan pero nakabitaw ito sa pagkakakapit./ Chona Yu

Read more...