Upang mas madaling matunton ang kinaroroonan ng mga itinuturong responsable sa malakihang money laundering scheme na isinagawa dito sa bansa, humingi na ng tulong ang Senado sa International Criminal Police Organization o Interpol.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng Interpol sa paghahanap sa mga itinuro ni big time junket operator Kim Wong na mga pangunahing sangkot sa pag-launder ng $81 million na ninakaw mula sa Bangladesh central bank.
Ito ay sina Gao Sua Hua na sinasabing sa Beijing naka-base, at si Ding Zhie Zi na mula naman sa Macau.
Kasama din sa mga ipapahanap si Weikang Xu na itinuro naman ng Philrem Services Corp. na nakatanggap umano ng P600 million at karagdagang $18 million.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa nakukumpirma ng Senado ang pagkaka-sangkot sa scam at may pagkakataon na rin na nilinaw ng Solaire Resort and Casino na pagkakamali lamang ang pag-tukoy na nakatanggap si Xu ng pera.
Ayon kay Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairman Sen. Sergio Osmeña III, kailangang humarap sa Senado ang mga nasabing hinihinalang suspek sa money laundering scheme, at sumagot sa kanilang mga katanungan.