Umakyat na rin sa Mt. Apo ang mga sundalo ng Philippine Army para tumulong sa mga volunteers at mga bumbero na apulahin ang apoy na mahigit isang linggo nang lumalagablab sa bundok.
Mahigit 300 ektarya na ng gubat at damuhan ang natupok ng sunog na nagsimula noon pang March 26.
Ayon kay Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom), isang company ang ipinadala nila doon na binubuo ng 112 sundalo mula sa 10th Infantry Division noong Sabado.
Bukod sa Philippine Army, tumutulong na rin ang Air Force gamit ang helicopter na sumasalok ng tubig mula sa isang lawa, o kaya ay nagdadala ng sako-sakong crushed ice na ibinubuhos sa mga bahagi ng bundok na nasusunog.
Mayroon ding isa pang helicopter na ginagamit para naman magbyahe ng mga volunteers at mga supplies.
Kaugnay nito, umapela na rin ang Regional Disaster Risk Reduction Management Council ng mga donasyong pagkain at tubig para sa mga volunteers.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Incident Management Team sa Davao del Sur na si Harry Camoro, kailangan pa nila ng karagdagang volunteers na re-relyebo sa mga kasalukuyang nakatalaga doon.
Para sa mga nais magbigay ng donasyon, maari itong dalhin sa Incident Command Post sa Brgy. Kapatagan sa Digos, Davao del Sur; Department of Environment and Natural Resources (DENR) office sa Digos City; at s regional office ng DENR sa Lanang, Davao City.