25 pang Filipino abroad, tinamaan ng COVID-19

May 25 bagong napaulat na nagpositibong Filipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang February 3, nasa 14,041 na ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 85 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 4,123 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

10 naman ang bagong gumaling kung kaya 8,964 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Dalawa naman ang bagong napaulat na nasawi.

Dahil dito, 954 na ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,881 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 2,529 confirmed COVID-19 positive cases na OF.

Nasa 836 naman ang kaso sa Americas at 2,795 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...