Isinusulong ni BHW Rep. Angelica Natasha Co na gawing “tax-free” ang mga bakuna kontra COVID-19.
Sa ilalim ng House Bill 8584 o Anti-COVID-19 Testing, Treatment, and Local Manufacturer Affordability Act of 2021 nais ni Co na amyendahan ang National Internal Revenue Code upang ang lahat ng mga COVID-19 vaccine, mga gamot, testing kits at lahat ng mga kailangang gamit, materyal at kahalintulad sa paglaban sa naturang sakit ay bmaging tax-free o walang buwis.
Ito ay kahit pa saang galing na bansa, manufacturer at kung para sa public vaccination program o pribadong pagbabakuna ng sinumang health professional.
Ayon kay Co, kapag sinabing tax-free — ito ay walang import duties at administrative fees, zero-Value Added Tax o VAT, at iba pang sales, business at lokal taxes o buwis.
Posible rin aniya na makapag-produce ng mga bakuna sa Pilipinas gaya sa industrial estates sa ilalim ng lisensyadong orihinal na manufacturers, kaya mainam na maging tax-free ito kasama na ang mga materyal, equipment at mga suplay pa rito.
Paliwanag ni Co, upang matiyak ang kalusugan, kaligtasan at pag-angat ng ekonomiya — kailangang maisantabi ang anumang hadlang kasama ang mga gastos upang maging epektibo ang implementasyon ng COVID-19 vaccination program sa bansa.