Napapanahon nang gawing maayos ang tariff rates para mahinto na ang smuggling at bumaba ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, , isang dahilan kung bakit pa rin talamak ang smuggling ay dahil sa mataas na taripa at mahing enforcement o pagpapatupad.
Dahil aniya sa kamahalan ng taripa na nasa 40%, mas pinipili ng mga importer na magpuslit na lamang at magbigay ng lagay na mas mura.
Dagdag ni Quimbo, sa talamak na smuggling, ang mga imported na karne ay masyadong mura at ang mga lokal na producers ay hindi magagawang makipag-kumpitensya. Ang gobyerno naman, mababawasan pa ang revenues o mga kita.
Kaya naman, giit ni Quimbo, kung isasaayos ang taripa sa “lower levels” o mapapababa pa, bababa rin ang presyo ng mga produkto at magbabayad ng lehitimo o tamamg buwis ang mga importer.
Sa huli, sinabi ni Quimbo na kapag tumaas ang koleksyon ng buwis ay magagamit ito sa pang-ayuda sa mga magbababoy o magsasaka na apektado ng African Swine Fever o ASF at matitiyak na ang mga imported na produkto ay legal at malinis na dumaan sa pamahalaan.
Inihayag ito ng mambabatas, kaugnay pa rin sa isyu ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at iba pang produkto, at plano ng pamahalaan na ibaba ang taripa para pag-aangkat ng baboy.