Nawalan umano ng mga mahahalagang gamit at ninakawan ang mga dalang maleta at bagahe ng ilang pasahero ng Ninoy Aquino International Airport sa kasagsagan ng blackout sa paliparan kagabi hanggang kaninang madaling araw.
Sa reklamo ng isang Cecilio Gresos, pasahero na galing ng Pittsburgh, Pennsylvania ay kanyang inereklamo ang pagkakabukas ng kanyang dalawang luggage ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nang kanyang usisain ang kanyang maleta, nawawala na ang ilan sa kanyang mga mahahalagang gamit tulad ng dalawang cellphones.
Maging ang laman ng mga bulsa ng kanyang maleta ay nawawala na rin.
May mga ilang Balikbayan din ang nagreklamo na nabiktima umano sila ng “bukas maleta gang” sa kasagsagan ng brownout.
Una nang itinanggi ng Meralco na sila ang may kasalanan sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa NAIA Terminal 3 kundi sa customer load side o sa panig mismo ng paliparan.
Humingi na rin ng paumanhin ang DOTC sa abalang idinulot ng pagkawala ng kuryente.