Nagpalabas ng watchlist order ang Bureau of Immigration laban sa isang sikat na vlogger at social media influencer matapos siyang ireklamo dahil sa paglabag umano sa immigration laws ng bansa.
Sa kautusan na pirmado ni BI Deputy Commissioner Tobias Javier, ipinasasama nito ang pangalan ni Wang Yun-i alyas Penelope Pop sa watchlist.
Nahaharap ang dayuhan sa deportation charge na inihain ni Special Prosecutor Emmanuel Anthony Vera.
Sa isang pahinang charge sheet, inirereklamo si Wang dahil sa pagbebenta ng mga produkto sa bansa gayong wala itong kaukulang permit.
Si Wang ay sangkot umano sa online retail trade ng lifestyle products sa kanyang kumpanya na theeveryday.ph ng walang alien employment permit.
Una rito dumulog sa BI ang grupong Action for Consumerism and Transparency para hilingin na maipadeport palabas ng bansa si Wang dahil sa pagbebenta ng mga produkto na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration.
Sa liham kay Attoney Ronaldo Ledesma, Chairman ng Board of Special Inquiry ng Bureau of Immigration, iginiit din nila na bawal magtrabaho si Wang bilang endorser at bawal rin itong mag-benta ng retail products, tulad ng cosmetics dahil Special Investors Residence Visa lamang ang kanyang hawak.
Una rito nagbabala ang FDA sa publiko laban sa POUF! Everyday Cologne Spray na pag aari ni Wang dahil hindi ito dumaan sa kanilang pagsusuri kaya naman hindi nila magagarantiyahan kung may panganib ito sa kalusugan.
Ayon sa FDA ang kumpanya ni Wong at aktres na si Toni Gonzaga ay isang registered company pero para lamang sa pagbebenta ng bags, notebooks, at toiletries.