Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala upang bigyan ng diskuwento ang income tax na babayaran ng nasa 270,000 medical frontliners sa bansa.
Sa botong 235 na ‘Yes’at walang pagtutol, lumusot ang House Bill 8259 o Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra Covid 19 Act.
Sa ilalim ng panukala, ang mga medical frontliner ay exempted sa pagbabayad ng 25 percent ng income tax para sa taxable year 2020.
Ayon kay House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda, ito ang unang revenue-negative measure ay paraan ng pamahalaan upang kilalanin ang serbisyo ng mga medical frontliners sa gitna ng Covid 19 pandemic.
Sinasabing P2.3 billion ang mababawas sa kita ng pamahalaan sa taxable year 2020 sakaling maging ganap na batas ito, pero sulit naman dahil mahihikayat ang mga medical professionals na maging frontliners sakto sa pagdating ng mga bakuna kontra Covid 19.
Paliwanag ng mambabatas, kulang para sa kanilang pagiging bayani ang Covid-19 special risk allowance at compensation kapag tinamaan o mamatay ang isang medical frontliner dahil sa sakit na ito sa gitna ng pandemya sa ilalim ng RA 11494 (Bayanihan 2).
Sakop sa income tax discount ang mga nagbibigay ng health-related services at mga nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong ospital, clinics o medical institutions na gumagamot sa mga tinamaan ng Covid-19.