Sa House Resolution 1528, hinihimok ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan Bloc ang House Committee on Natural Resources na siyasatin ang naturang usapin “in aid of legislation.”
Binanggit ng mga kongresista na noong January 29, 2021 ay sinita ng Philippine Coast Guard at Bureau of Customs ang MV Zhonhai 68 na isang Chinese dredger na nasa ilalim ng Sierra Leone flag.
Ito ay dahil sa ilegal at hindi otorisadong presensya sa karagatang sakop ng Pilipinas sa loob ng higit isang taon matapos itong sabihan na umalis na ng bansa.
Ang nabanggit na dredging ship ay nakita 13 kilometers southwest ng Orion Point sa lalawigan ng Bataan.
Pero giit ng Makabayan Bloc, hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong Chinese-manned dredging ships na nahuli dahil sa mga ilegal na aktibidad sa Pilipinas.
Nauna rito, noong 2017 kung kailan napaulat ang serye ng mga ilegal na dredging activities ng mga barko at nagdulot ng pagkaalarma sa mga residente lalo’t may masamang epekto ito sa kalikasan maging sa kabuhayan ng mga tao.
Bukod dito, napaulat din na ang mga nakukuhang materyal sa mga operasyon ay ginagamit daw sa pagbuo ng artificial islands sa Wesr Philippine Sea na mistulang kawalang respeto sa soberenya at teritoryo ng bansa.
Dagdag ng Makabayan Bloc ay siniwalat ni Bayan muna PL Chairman Neri Colmenares na ilang mga barko na nakaangkla sa Zambales noong 2019 at patuloy ang operasyon hanggang 2020.
Ayon sa Makabayan Bloc, ang dumaraming insidente na kinasasangkutan ng mga Chinese dredging ships ay marapat lamang na imbestigahan ng Kamara upang matiyak na napapanatili ang “sovereignty and territorial integrity” ng Pilipinas, at masiguro na kinikilala ang local at international laws hinggil dito.
Higit sa lahat, kailangan anila na matiyak ang kaligtasan at karapatan ng mga Pilipino.