Kamara dapat nang kumilos sa napakataas na presyo ng mga bilihin

Kinalampag ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang Kamara para manguna sa mga hakbang upang makontrol ang napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng karne at gulay.

Sa inihaing HR 1515, iginiit ni Cayetano at kanyang mga kaalyado na dapat imbestigahan ng kapulungan kung anong mga aksyon ang ginawa ng gobyerno para matugunan ang problema sa mataas na presyo.

Dapat rin anyang tukuyin kung anong mga polisiya at programa ang kinakailangan para hindi magutom ang mga Pilipino.

Matindi ayon kay Cayetano, ang epekto ng mataas na presyo sa milyong Pilipino lalo na sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at sa mga nawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa nagdaang kalamidad.

Pinayuhan din nito ang Kamara na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para matiyak na merong sapat, ligtas at abot-kayang pagkain ang mga Pilipino.

Sa ulat ng Department of Agriculture, tumaas ng 66 percent ang presyo ng karne at gulay nito lamang Enero.

Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang pagmahal ng mga bilihin ay bunsod ng pagtaas sa presyo ng langis at mga produktong agrikultural.

 

Read more...