Yellow bin ipamamahagi ng DENR sa mga barangay

Mamahagi ang Department of Environment and Natural Resources ng yellow bin sa mga barangay sa buong bansa.

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, ito ay para masiguro na maayos na naitatapon ang mga face shield, face mask, gloves at iba pang personal protective equipment na ginamit kontra Covid 19.

“Immediately we came up with the yellow bin kung saan ho ipamimigay po ito sa bawat barangay. Kahit paano tig-isa po kada isang barangay ang bibigyan natin para ho masigurong mayroon lang sign kung saan po nila itatapon ito pong kanilang mga household healthcare waste ano po. Hindi po ito hospital waste, ito po ay household healthcare waste na ginagamit po natin sa araw-araw,” pahayag ni Antiporda.

“Ito po ay—kapag pira-piraso lang po iyong itatapon, sa loob po natin ng bin ilalagay. Kapag nakabalot naman po iyan at naipon na po sa ating mga bahay, ilagay po sa isang maayos na sisidlan at ito po ay i-seal nang maayos then ilagay po sa tabi noong yellow trash bin para ho kapag dinaanan na po iyan ng atin pong truck ng basura, iyong atin pong garbage collector, alam po nila na suspected contaminated waste po iyan ano ho. Hindi ho iyan iyong ipaghahalo po natin kapag nagtapon po tayo ng household waste eh kasabay po iyan, eh nilalagay po natin sa alanganin naman iyong buhay po ng ating mga kolektor ng basura,” dagdag ng opisyal.

Ayon kay Antiporda, nagsimula na ang DENR ng pamamahagi ng yellow bin noong Disyembre pero ito ay sa Metro Manila pa lamang.

Minamadali na aniya ng DENR ang pamimigay ng karagdagang 1,600 yellow bin sa buwan ng Pebrero.

“Well we started already last December, namigay na po kami sa Manila but ito po ay pilot project pa lang po, isandaang piraso pa lang po iyong naipamigay. Within this February pina-fast track po natin iyong another 1,600 and tuluy-tuloy na po iyan, palaki nang palaki po numero niyan dahil nakita na po natin iyong pangangailangan ng ating bayan ano po,”pahayag ni Antiporda.

Pagsusumikapan aniya ng DENR na mahanapan ng pondo ang naturang proyekto.

 

 

Read more...