57 close contact ng lalaking bumiyahe sa Bontoc mula UK, nagpositibo sa COVID-19

Photo grab from DOH Facebook video

Nagpositibo sa COVID-19 ang 57 close contact ng lalaking bumiyahe sa Bontoc, Mountain Province mula sa United Kingdom, ayon sa Department of Health (DOH).

“As of now, nagkaroon tayo ng reconciliation ng data with the Cordillera Administrative Region specifically dito sa areas na may cinontact trace tayo and we were able to get a list, [gumawa] tayo ng deduplication,” pahayag ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire sa press briefing.

Sa kabuuan, nasa 369 “unique individuals” ang itinuring bilang close contact ng UK traveler case.

Sa nasabing bilang, 233 ang sumailalim sa COVID-19 swab testing kung saan 57 ang nagpositibo, 135 ang negatibo habang 41 ang hinihintay pa ang resulta.

Kabilang na aniya sa 57 close contacts na nagpositibo ang 12 na mayroong UK variant at dalawang negatibo sa bagong variant ng nakakahawang sakit.

Samantala, sinabi ni Vergeire na hinihintay pa ang resulta ng isinagawang genome sequencing.

Inaasahan aniyang ilalabas ang resulta nito sa araw ng Lunes, February 1.

Read more...