Cover-up!
Ito ang hinala ng kampo ni Christine Dacera, ang flight attendant ng Philippine Airlines, na kontrobersyal ang pagkamatay noong January 1 sa Makati City.
Kasabay nito, ang pagkuwestiyon nila sa inilabas na ulat ng PNP Crime Lab na ‘natural case’ dahil sa ‘ruptured aortic aneurysm’ ang dahilan nang pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant.
Ipinunto ni Atty. Brick Reyes, isa sa mga abogado at tagapagsalita ng pamilya Dacera, magkaibang-magkaiba ang laman ng inilabas na autopsy report ng Southern Police District – SOCO sa report na inilabas ng PNP Crime Lab na may petsang January 11.
Ayon kay Reyes, sa autopsy report nila ibinabase ang kanilang hinala na ginahasa si Dacera at sa medical report naman ay binalewala na rin ang posibilidad na pinatay ito.
Kinuwestiyon din ni Reyes, maging ni Sharon Dacera, ina ni Christine, ang ulat na may ‘enlargement of the heart’ ang kanyang anak.
Katuwiran nina Reyes at ng nakakatandang Dacera, walang sakit si Christine at patunay ito ng kanyang medical clearance mula sa PAL.
Kayat nagkasundo ang pamilya Dacera na ipahukay ang mga labi ni Christine para sa pagsasagawa ng DNA testing.
Paliwanag ni Reyes, kinukuwestiyon nila kung talagang mga laman-loob ni Christine ang nasuri at pinagbasehan ng report ng PNP Crime Lab.
Nakakadagdag pa sa kanilang ngitngit ang hindi na naman paghingi ng permiso ng PNP na makuha ang mga laman-loob ni Christine.
Una nang naembalsamo si Christine nang walang permiso ng kanyang pamilya bago pa na-awtopsiya ang kanyang katawan.
Narito ang kanilang pahayag:
WATCH: Pamilya ni Christine Dacera, gusto siyang ipahukay para sa DNA testing | @jescosioINQ pic.twitter.com/2ZPO0hmNJV
— RadyoInquirerOn-Line (@radyoinqonline) January 29, 2021