Nabahala si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga ulat ng pagbebenta sa mga Filipina sa Syria at naabuso ng kanilang mga amo.
Isa ang isyung ito kaya’t itinutulak niya ang pagkakaroon ng Department of Overseas Filipinos.
Aniya sa pamamagitan ng DoFil ay mas mabibigyan proteksyon at mapapangalagaan ang mga Filipino na nasa ibang bansa.
“Bagong bayani kung ituring natin sila na halos 10 porsiyento ng ating populasyon. Sana naman ay suklian natin nang mas maayos at mas mabilis na serbisyo ang kanilang sakripisyo para sa kanilang pamilya at sa bayan,” sabi ng senador.
Sabi pa nito nakakadurog ng puso ang pang-aabuso sa OFWs sa ibang bansa.
Nalaman ni Go ang nangyari kay Josephine Tawaging, na mula Dubai ay ipinadala sa Syria kung saan siya inabuso ng amo.
Nangako ito na makikipag ugnayan siya sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at personal na tutukan ang kaso.
“Kung kailangang imbestigahan ang modus na ito o kung merong sindikato na nasa likod nito, dapat gawin na ito upang maiwasan ang mga kasong ito,” diin ng senador.