Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos mabangga ng rumaragasang kotse habang siya ay tumatawid sa kahabaan ng Sgt. Rivera sa Barangay Manresa sa Quezon City, kaninang umaga.
Nakilala ang lalaki na si Jerson Tuquero na nagtatrabaho sa isang gusali malapit lamang sa pinangyarihan ng insidente.
Duguan sa mukha si Tuquero dahil tumilapon ito ng ilang metro matapos mabangga ng kotseng minamaneho ng driver na nakilalang si Carlo Cortez.
Ayon kay Cortez na nagtamo din ng sugat sa ulo, biglang hindi gumana ang power steering ng minamaneho niyang Toyota Corolla.
Pero sa pahayag ng mga nakasaksi ng insidente, mabilis ang andar ng kotse at may iniwasan itong tubig dahilan para tumbukin na nito ang gutter, poste, at ang tumatawid na si Tuquero.
Dinala na sa Capitol Medical Center sa Quezon Avenue si Tuquero habang sa East Avenue Medical Center naman dinala si Cortez.
Samantala, sa hiwalay na aksidente, isang truck naman ang bumangga sa simbahan ng 7th Day Adventist sa Quezon Avenue sa nasabing ring Lungsod.
May iniwasan umanong isang sasakyan ang driver ng truck kaya ang bahagi ng simbahan ang natumbok nito./ Erwin Aguilon