Ulat na marami umanong dropouts sa S.Y. 2020-2021, hindi totoo – DepEd

Pinasinungalingan ng Department of Education (DepEd) ang lumabas na ulat na tumaas umano ang bilang ng dropouts sa basic education para sa School Year 2020-2021.

Ito ang naging pahayag ng kagawaran matapos ang sunud-sunod na konsultasyon sa kanilang regional directors at field offices.

Sa pulong ng Executive-Management Committee, sinabi ng DepEd na walang regional director ang nag-ulat ng pagtaas ng dropout sa kanilang mga nasasakupan.

Base sa konsultasyon ng field offices, walang mag-aaral ang nagdrop-out sa mga paaralan, bagkus sila ay maaaring lumipat mula sa isang mode of learning patungo sa isa o mula sa isang lugar patungo sa iba.

“Na-obserbahan din na ang dahilan ng paglipat ng mga mag-aaral ay ang epektong ekonomikal dulot ng pandemya,” ayon sa kagawaran.

“Ipinakikita rin ng mga numero na ang mga mag-aaral ay maaaring lumipat mula sa paaralang nasa siyudad patungo sa mga paaralang nasa probinsiya o mula sa pribado patungo sa pampublikong paaralan,” dagdag pa nito.

Nagdesisyon naman ang ibang mag-aaral na lumipat mula sa modular patungong blended learning.

Sinabi ng DepEd na patuloy nilang ipinatutupad ang panuntunan ng academic ease para matulungan ang mga pamilya, mag-aaral at guro na mag-adjust sa distance learning set-up.

Nagkaroon din ng pagluwag ang mga pampublikong paaralan sa pagpapasa ng activities ng mga estudyante.

Pinalawak din ng kagawaran ang suporta sa mga programa kaugnay ng mental health at socio-emotional well-being.

Tiniyak naman ng DepEd na  nakikipagtulungan sila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno kasama ang external partners upang palakasin ang inisiyatibo sa pagtugon sa pandemya.

Kasunod nito, pinaaalalahanan ang publiko na huwag bumuo ng konklusyon sa mga maling pahayag o sa isoldated cases.

Read more...