Nagpatupad na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang “NO NEGATIVE ANTIGEN TEST RESULT, NO ENTRY” para sa mga kawani sa Batasan Complex at maging sa mga bisita.
Sa inilabas na memorandum order ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kailangang sumailalim muna antigen test ang mga empleyado at personnel ng attached agencies na papasok sa Mababang Kapulungan.
Libre naman para sa mga kawani ang antigen test na layong mapigilan ang pagpasok ng COVID-19 lalo na ang bagong UK variant na B117.
Dumagsa naman sa pila ang mga empleyado na sumailalim sa antigen test na tumagal ng halos dalawang oras bago matapos ang proseso.
Hindi papasukin ang kawani na magpopositibo sa antigen test.
Ang mga bisita sa Kamara ay kailangan munang magpakita ng negative antigen test result bago papasukin sa Kamara.
Sakaling walang dalang negative test result ay oobligahin ang mga bisita na sumailalim sa antigen test kung saan dadalhin ang mga ito sa Antigen Testing Stations sa South at North wing ng Batasan.
Hindi naman libre sa non-official visitors ang antigen test at ito ay icha-charge sa kanilang mga employers.