PNP, iniimbestigahan na ang naganap na gulo sa Kidapawan

wilben-mayorWala dapat dalang armas ang mga pulis na nagsasagawa ng Civil Disturbance Management (CDM) operations.

Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor na may umiiral na kautusang hindi dapat nagdadala ng armas ang mga pulis na nagsasagawa ng ganitong operasyon.

Ginawa ni Mayor ang paglilinaw kasunod ng komosyon na naganap sa Cotabato-Davao Highway sa Kidapawan City, kung saan nagkasakitan ang mga magsasakang nagbarikada at mga pulis na nagpapaalis sa kanila.

Aabot sa 3 ang sinasabing nasawi sa mga magsasakang nagpo-protesta at humihingi ng ayuda sa pamahalaan nang magpaputok umano ng mga M-16 rifles ang mga pulis na nag-disperse sa kanila.

Ayon pa kay Mayor, sinanay nila ang kanilang mga tauhan na magpatupad ng maximum tolerance sa mga ganitong sitwasyon.

Maging ang mga opisyal aniya na na naroon bagaman hindi direktang kasapi ng CDM, ay sinanay rin sa pagpapatupad ng maximum tolerance

Pinaka-unang opsyon dapat aniya ay ang pakikipag-dayalogo muna, ngunit kinakailangan rin ng mga pulis na kumilos nang naaayon sakaling mayroon nang banta sa seguridad ng lahat at maging sa buhay ng kanilang mga kasapi.

Gayunman, tinuruan pa rin sila na kumilos para sa ikapapayapa ng sitwasyon sa pamamagitan ng maayos na paraan.

Kaya naman tiniyak ni Mayor na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa pangyayari, at kinakalap na aniya nila ang lahat ng impormasyong kailangan nila para malaman ang tunay na pangyayari sa Cotabato-Davao Highway kahapon.

Agad nila aniyang babalitaan ang publiko sa anumang pag-usad ng kanilang imbestigasyon, kasabay ng pagtiyak sa mga tao na anumang nagawang paglabag sa batas ng PNP ay may karampatan ding parusa.

Pursigido sila na mapanagot ang sinumang mapapatunayang nasa likod at responsable sa trahedyang naganap.

Read more...