Karahasan sa Kidapawan City, kinondena ng mga presidentiables

kidapawan-dispersal2Binatikos at kinondena ng mga presidentiables ang karahasang naganap sa pagpapaalis ng mga pulis sa mga magsasakang nag-barikada sa Kidapawan City na ikinasawi tatlo at ikinasugat ng hindi bababa sa 50.

Sa inilabas na pahayag ng kampo ni Vice President Jejomar Binay, kinondena ng kaniyang tagapagsalita na si Atty. Rico Quicho ang ginawa sa mga magsasaka na “bigas ang hinihingi, pero bala ang ibinigay.”

Sa ngalan naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, binanatan ng kaniyang campaign manager na si Leoncio Evasco Jr. ang karahasang nangyari sa dispersal ng mga magsasaka at sinabing hindi karapatdapat na barilin ang mga magsasakang nagugutom.

Sinisi pa ng kampo ni Duterte kay Pangulong Aquino ang aniya’y barbaric na pag-atake at sinabing panay bahid na ng mga dugo ng mga nagugutom at mahihirap ang kamay ng angkan ng Cojuangco-Aquino simula pa lang noong Mendiola massacre, Hacienda Luisita, at ngayon naman ay sa Kidapawan.

Mariin din namang binatikos ni Sen. Grace Poe ang nasabing karahasan, kasabay ng pananawagan ng mabilis na imbestigasyon at pag-resolba sa kaso.

Ayon kay Poe, karapatan ng mga magsasaka na hingin ang tulong na dapat naman talaga ay ibinibigay sa kanila ng pamahalaan lalo’t matinding sinalanta ng tag-tuyot ang kanilang probinsya.

Gayundin ang pananaw ni administration bet Mar Roxas na nanawagan naman sa Philippine National Police (PNP) at sa iba pang kinauukulang ahensya ng imbestigasyon.

Sa 53 na nasugatan, kabilang doon ang 23 na mga pulis, habang sinasabi naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na may 60 silang kasapi na nawawala.

Read more...