“Saksakin na lang.”
Ito ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko kapag may magtatangkang manloko gamit ang kanyang pangalan.
Ayon sa Pangulo, mas maganda ang saksak dahil tahimik ito kaysa barilin na maingay pa.
“Iyong may mga tao na nag-iikot na sabi nila lalakarin nila, alam mo ang gawain ninyo kung nagbigay na kayo ng pera, purnada talaga kayo kay hindi naman totoo ‘yan. Saksakin na lang ninyo. Saksakin na lang ninyo. Huwag mong barilin kasi maingay. Madali kang mahuli. Saksakin na lang ninyo. Wala ‘yan. Ito ‘yung mga parasites, mga linta, and they thrive on the gullible iyong pati ‘yung naive na lolokohin mo ‘yung kapwa mo tao,” pahayag ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, talamak pa rin ang korupsyon sa bansa.
Utos ng Pangulo sa National Bureau of Investigation, magdoble-kayod sa panghuhuli sa mga manloloko.
Ayon sa Pangulo, dapat nang dalhin ng NBI sa kanyang tanggapan sa Malakanyang ang mga mahuhuling manloloko.
“Wala — marami ito umiikot. Marami. Ang NBI nito may nahuhuli araw-araw. Ngayon ang — para matapos na ito, lahat sa NBI pati pulis, sa lahat na mahuli ninyo sa mga ganoon dalhin ninyo sa opisina ko. Gusto ko lang silang kausapin. Gusto ko silang makausap bakit ganyan ang hanapbuhay nila kasi lokohan eh. Iyan ang problema diyan,”pahayag ng Pangulo.
“Alam mo, walang nagpapaloko — walang, walang naloko kung walang magpapako — magpapaloko. I am calling on the NBI to double their time pangpahuli nito. Hulihin ninyo ito tapos kung ano, ma-detain ninyo ‘yan sa gabi, wala pa naman ‘yung — bago ninyo dalhin sa korte to — for filing of the cha — idaan mo nga sa Malacañan. Tignan ko lang ang pagmumukha nito,” dagdag ng Pangulo.