(File photo)
Inihirit ni Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na madaliin ang pagbangon ng mga itinuturing na ‘food baskets’ na nasalanta ng mga magkakasunod na bagyo noong nakaraang taon.
Ito aniya ay malaking tulong para mapababa ang presyo ng mga produktong-agrikultural dahil madadagdagan na ang suplay sa merkado.
“Hindi lang price control at monitoring ang mga paraan para maampat ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin. Mas mabilis na bababa ang preso ng gulay, prutas, karne at ibang pagkain kung agad matutulungan ng pamahalaan na mapuno ang mga “food baskets”. Kailangang maibalik sa normal ang kanilang productivity levels,” sabi nito.
Suhestiyon pa niya maaring maglagay ng matutuluyan at pagkain sa mga nasalantang lugar, sa Hilagang Luzon at Bicol Region, hanggang sa pagdating muli ng panahon ng anihan.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa halos P10 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim at imprastraktura sa dalawang nabanggit na lugar.