(Photo courtesy: Office of Senator Gatchalian)
Muling nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa power distributors na bigyan pa ng palugit ang mga konsyumer na hindi pa rin kaya na magbayad ng buo sa kanilang utang sa kuryente.
Unang nanawagan si Gatchalian sa power distributors, partikular na ang Meralco, na paliwigin ang ‘no disconnection policy’ sa mga konsyumer na nakakakonsumo ng 200 kwh pababa ng kuryente at hindi pa kayang bayaran ng buo ang utang hanggang sa pagtatapos ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ).
Sa kanyang bagong apila, gusto niya na ikunsidera din ang mga konsyumer na senior citizens, persons with disabilities (PWDs), mga nawalan ng trabaho at maging ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na tumigil ang operasyon noong nakaraang taon.
Binanggit nito ang survey ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Agosto hanggang Setyembre, 1.5 milyong maliliit na negosyo ang naka rehistro at marami sa kanila ang hindi pa nagbabalik operasyon.
“May iba pang mga malalaking kumpanya ang nag-anunsiyo ng pagsasara kaya madadagdagan pa ang listahan ng mga mawawalan ng trabaho. Sana ay bigyan naman sila ng konsiderasyon. Ang mga ito ay kadalasang mga consumers din na higit sa 200 kilowatt hour ang kunsumo ng kuryente kada buwan,” sabi pa ng senador.
Una nang inanunsiyo ng Meralco na hindi na nila palalawigin ang kanilang ‘no disconnection policy.’