Hindi matutupad ang nais ni detained Sen. Jinggoy Estrada na magpaka-ama sa anak niyang si San Juan City Councilor Janella Estrada.
Ito ay matapos ibasura ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Estrada na makalabas ng kulungan para makadalo bukas sa proclamation rally ng anak na kandidato naman sa pagka vice mayor ng kanilang lungsod.
Base sa dalawang pahinang desisyon ng 5th Division ng Anti-Graft court, sinabi na bilang detenido hindi na maaaring magamit pa sa kabuuan ni Estrada ang kanyang mga civil at political rights.
Nahaharap sa kasong pandarambong at 11 counts of graft si Estrada dahil sa pagkuha diumano ng kickback sa kanyang pork barrel.
Noon lamang Enero tinanggihan na ng korte ang hiling ni Estrada na makapag-piyansa sa katuwiran na masyadong mabigat ang mga ebidensiya laban sa kanya.