Mga taga-Sulu tutol sa pagpapaliban ng eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao

Hindi sang-ayon ang mga mamamayan ng lalawigan ng Sulu sa pagpapaliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) election at pagpapalawig sa katungkulan ng mga kasalukuyang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Sa kanyang memorandum na ipinadala kay Pangulong Rodrigo Duterte, iginiit ni Sulu Governor Abdusakur M. Tan na ang pagpapaliban sa halalan sa BARMM at pagpapalawig sa mga opisyal ng BTA ay magdudulot lamang ng pagka-antala ng karapatan ng mga taga-rehiyon na pamunuan ang kanilang mamamayan.

Naniniwala si Tan na ginagamit lamang ng BTA bilang dahilan sa kanilang kabiguang makabuo ng political at legislative infrastructure na magbibigay daan sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan.

Inireklamo rin nito ang hindi pantay na pamamahagi ng pondo ng BAR dahil sa P65 bilyong pondo na nakapailalim sa BOL na napasakamay na ng BTA, ang Sulu ay nakatanggap lamang ng P5 milyong sa kanilang provincial government at P1 milyon sa bawa’t munisipalidad.

Hiniling din ni Tan sa Kongreso at sa BTA na komunsulta sa publiko at sa mga lokal na opisyal ng harapan bago tugunan ang nakahaing panukalang batas.

Ayon naman kay BARMM Parliament Deputy Speaker Zia Alonto Adiong, walang kasiguruhan na ang mga nakaupo sa Bangsamoro Transition Authority ay mananatili pa rin kapag naipagpaliban ang eleksyon.

Paliwanag ni Adiong, 41 sa mga miyembro ng parliament ay nakalaan para sa Moro Islamic Liberation Front o MILF habang ang 39 ay  Philippine Government ang nagtalaga.

Dahil dito, mayroon anya ang posibilidad na ang mga nakaupo ngayon ay hindi na mailagay sa puwesto dahil wala naman sa kanilang kapangyarihan.

May kaugnayan naman sa pamamahagi ng pondo sabi ni Adiong, ito ay nakadepende sa pangangailangan ng isang lugar.

Sa ilalim ng R.A. 11054 o ng Bangsamoro Organic Law, isasabay sa pambansang halalan sa Mayo 2022 ang eleksiyon ng mga opisyal ng BARMM na sa kasalukuyang pinamumunuan ng mga itinalaga ng pangulo na pawang kabilang sa BTA.

Limang panukalang batas ang nakahain  sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong  nananawagang ipagpaliban muna hanggang taong 2025 ang BARMM election at pagpapalawig sa mga opisyal ng BTA.

 

Read more...