Takot si Pangulong Rodrigo Duterte na matamaan ng Covid 19.
Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng mga sundalo sa Jolo, Sulu, sinabi nito na apat na sa kanyang mga kaklase sa College of Law sa San Beda ang namatay na.
Ito aniya ang dahilan kung kaya kailangan niya magpa-injection.
“This is a very vicious microbe. At saka kaming lahat na karamihan sa mga kaklase ko, sa ka-batch ko, classmate ko, apat ang patay kasi matanda na. Kaya rin ako takot baka kasali na ako doon sa mag-expire sa aming Class ’72 sa College of Law. Namamatay eh, diretso. So iyan ang… Pasensiya na kayo. I have to inject something,” pahayag ng Pangulo.
Una rito, sinabi ng Pangulo na nakahanda siyang magpaturok ng bakuna kontra Covid 19 sa harap ng publiko para patunayan na ligtas ito.
Pero kalaunan binawi ito ng Palasyo at sinabing gagawing pribado na lamang ang pagpapabakuna ni Pangulong Duterte.