Pagbabarikada ng mga magsasaka sa Davao-Cotabato national highway, dapat maging wake-up call sa gobyerno ayon kay Sen. Bongbong Marcos

Photo ReleaseInihayag ni Vice presidential candidate Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos na dapat maging wake-up call sa gobyerno ang isinagawang protesta ng anim na libong magsasaka sa Mindanao na apektado ng tagtuyot o drought na dulot ng El Niño.

Giit ni Marcos, dapat mas paigtingin ng gobyerno ang pagtugon sa El Niño phenomenon at sa epekto nito sa sektor ng agrikultura.

Ayon pa kay Marcos, ang ginawang pagbarikada ng mga magsasaka sa Davao-Cotabato national highway ay nagpapakita lamang na kulang pa ang ginagawang aksyon ng gobyerno upang matugunan ang kanilang sitwasyon.

Ilang beses nang nanawagan si Marcos sa Department of Agriculture (DA) na bilisan paglulunsad ng mga programang tutulong sa mga magsasakang lubhang naaapektuhan ng tagtuyot sa bansa, partikular na sa Mindanao.

Sinabi rin ni Marcos na hindi niya masisisi ang mga magsasaka sa kanilang ginawa dahil sinira ng El Niño ang kanilang pananim na kung saan sila kumukuha ng maipapakain sa pamilya.

Kinuwestyon din ni Marcos kung saan ginagastos ng DA ang 2.1 bilyong pisong pondo na tutulong sa mga magsasakang apektado ng matinding tagtuyot.

Umaasa si Marcos na maipapamahagi sa mas nangangailangan ang inilaan na pondo sa mga magsasaka.

Kasabay nito, nanawagan si Marcos sa DA na kumilos ng mabilis sa maiwasan ang iba pang posibleng epekto ng El Niño sa mga sakahan nang hindi na magpatuloy ang paghihirap ng mga magsasaka.

Read more...