Ginagamit sa pulitika ang daan-daang magsasaka na ilang araw nang nakabarikada sa Davao-Cotabato highway sa Kidapawan City mula pa noong Miyerkules.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Agriculture Secretary Proseso Alcala na base sa nakarating sa kanilang impormasyon, nakilahok ang maraming magsasaka matapos umanong sabihan na mamimigay ng bigas ang pamahalaan.
Mula noong Miyerkules, March 30, binarikadahan ng mga magsasaka sa pangunguna ng grupong Apo Sandawa Lumadnong Panaghiusa ang kalsada at hinihiling sa gobyerno na tulungan sila matapos maapektuhan ng labis na tagtuyot ang probinsya.
Hiniling rin ng mga ito na maglabas ang gobyerno ng 15,000 sacks of rice para maipamudmod sa kanilang mga kasamahan na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa tagtuyot o drought.
Paglilinaw naman ni Alcala, “Kaya po dumami ang tao ay sinabi na ang pamahalaan ay namimigay ng bigas. Diniceive po yung iba.” ayon sa kalihim.
Dagdag pa ni Secretary Alcala, ipinarating ng kanyang regional director na tumatakbo sa partylist election ang grupong humikayat sa mga magsasaka na harangan ang kalsada.
Ipinaliwanag naman ng kalihim na hindi naman pinagwawalang bahala ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga magsasaka sa bahagi ng Mindanao na tinamaan ng tagtuyot.
“Siguro po natunugan nila na may programa ang gobyerno. Kung tumitindi ang El Nino ay bibigyan sila ng cash for work at saka po bibigyan ng ayuda na bigas.” ani Alcala.
Tinangka pa umano ng mga magsasaka na sugurin ang NFA Warehouse pero hinarang sila ng mga pulis.
Apat na firetrucks ang naka-standby at nasa likod ng mga anti-riot police sa kahabaan ng Quezon Blvd malapit sa bodega ng NFA.
Nanindigan naman ang mga farmers na hindi nila lilisanin ang barikada hangga’t hindi nakikipag-usap sa kanila si North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talino-Mendoza.
“Dili mi muhawa hangtod dili muanhi si Lala”(Hindi sila aalis hangga’t hindi dumadating si Lala).
Aabot umano sa 5,000 farmers mula sa Makilala, Mlang, Tulunan, Magpet, Roxas, Antipas, Arakan at Kidapawan City ang lumahok sa barikada.