Arestado ang apat na pulis at isang sibilyan sa nadiskubreng clandestine laboratory na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga sa Olongapo City, Biyernes ng umaga
Sanib-pwersa ang PDEA NCR at Region 3 offices, PNP-CIDG Northern Manila, PNP-CIDG Zambales, PNP Maritime Group, at Subic Bay Metropolitan Authority’s Intelligence and Investigation Office (SBMA-IIO) sa isinagawang operasyon sa 336-B Finback Street, Kalayaan sa bahagi ng Subic Bay Freeport.
Kinilala ng PNP CIDG-NCR ang mga nahuling pulis na sina PLt Reynato Basa Jr., PCpl Gino dela Cruz, PCpl Edesyr Victor Alipio, at PCpl Godfrey Duclayan Parentela.
Ang apat na pulis ay nakatalaga sa Station 2 ng Olongapo City Police Office.
Nahuli naman si Jericho Dabu, residente ng Olongapo, matapos magbenta ng isang kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isang poseur-buyer mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek ang 300 gramo ng hinihinalang shabu, ilang laboratory equipment at kemikal na ginagamit sa paggawa ng ilegal na droga, apat na Glock 17 9mm pistols, limang cellphones, isang Honda Civic 1996 sedan na may plakang UKM 779, at ilang bundle ng boodle money na ginamit sa operasyon.
Ayon sa SBMA-IIO, nagsimula ang surveillance dakong 2:00, Huwebes ng hapon sa habang pasado hating-gabi naman nang ituloy ang buy-bust operation matapos magbenta ng isang kilo si Dabu.
Base sa hindi pa kumpirmadong ulat mula sa hanay ng pulisya, isa umanong dayuhan ang namumuo sa sindikato sa likod ng illegal drugs operation.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya ukol sa nasabing impormasyon.
Samantala, sinabi naman ni SBMA Chairman and Administrator Wilma Eisma na suportado nila ang mga awtoridad sa mga hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
“The SBMA will always support our law enforcement agencies in ridding our society of elements that degrade our decent and lawful way of life,” pahayag ni Eisma.
“Let us care for each other in this community. Let us know our neighbors and contribute all we can to keep Subic safe for everybody,” dagdag pa nito.