Gaano raw ba kahirap magpakita ng simpatya sa panahong ito?
Ito ang tanong ni House Minority Leader Joseph Stephen Paduano kasunod ng pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging “choosy” ang mga Pilipino sa bakuna kontra COVID-19.
Hinimok ni Paduano ang Malakanyang na pagsabihan si Roque dahil hindi aniya nakatutulong at nakakasakit pa sa damdamin ng mga tao ang insensitive at aroganteng pananalita ng opisyal.
Binigyang diin ng minority leader na malasakit ang inaasahan ng publiko sa mga opisyal ng gobyerno lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya.
Sabi ng kongresista, bagama’t kinikilala niya ang pagsisikap ng Inter-Agency Task Force at ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na makabili ng COVID-19 vaccines, hindi dapat palampasin ang mga aroganteng pahayag.
Punto pa nito, ang pagbibigay ng baluktot na katwiran sa mamamayang humihingi ng mahusay na serbisyo ay maikukunsiderang paglabag sa sinumpaang tungkulin ng isang opisyal.
Dagdag ni Paduano, ang Food and Drug Administration pa rin naman ang magsasabi kung ano ang nararapat ibigay na bakuna sa mga Pilipino at hindi si Sec. Roque.