Pumanaw na si ‘Courageous Caitie’, ang 3-taong gulang na bata na na-diagnose na nagtataglay ng kakaibang uri ng blood cancer.
Si Caitlin Lucas, o ‘Courageous Caitie’ ay nakilala ng mga netizens matapos gumawa ng page sa Facebook ang kanyang ina upang idokumento ang mga pinagdadaanan ng kanilang anak.
Si Caitlin ay natukoy na nagtataglay ng juvenile myelomonocytic leukemia o JMML, isang uri ng cancer na nakakaapekto lamang sa isa bawat isang milyong bata sa Estados Unidos.
Noong Bagong taon, unang nagkasakit ang batang si Caitlyn at kalauna’y na-diagnose ito na nagtataglay ng kakaibang uri ng leukemia.
Sa kasagsagan ng pagpapagamot, nagpasya ang mga magulang ng bata na i-post sa social media ang misteryosong pinagdadaanang karamdaman ng kanilang anak kasabay ng paghiling ng dasal para sa paggaling ng bata.
Gayunman, kahapon habang nagpapagamot sa Singapore, nag-post ang magulang ng bata at sinabing nahihirapan nang huminga ang kanilang anghel.
Sumunod na ang post na “Let Your will be done”.
At di kalaunan, nagpost ng mensahe ang mga magulang ni Caitie na nagsasabing “Today our daughter has gone to Jesus.”
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na bumubuhos ang mensahe ng pakikiramay, pagdarasal at kalungkutan sa pagpanaw ni Caitlyn sa social media.
Naging inspirasyon si ‘courageous Caitie’ sa mga netizens dahil sa masaya nitong disposisyon sa kabila ng pinagdadaanang karamdaman.