Soft launching ng contact app ng MRT-3, ikakasa sa Jan. 18


Ikakasa ang soft launching ng ‘MRT-3 Trace’ web application sa araw ng Lunes, January 18.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, makatutulong ang libreng app para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at mapadali ang proseso ng contact tracing.

Alinsunod ito sa target ni Transportation Secretary Arthur Tugade na gawin ang digitize transaction processes sa lahat ng transportation sectors.

“MRT-3 Trace is a web application that will help us and the passengers avoid further transmission of the virus through direct contact between our commuters and personnel. It will ease the process of contact tracing, and thus, prevent long queues in stations,” pahayag ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati.

Aniya, bibigyan ng panahon ang mga pasahero na ma-download at mag-adapt sa bagong technology-based web application.

Simula aniya sa January 18, 2020 maaari nang magamit ng mga pasahero ang DOTr MRT-3 Trace.

“But to give time for our passengers to familiarize themselves with the new app, full implementation will be on February 2021,” ani Capati.

Para mag-register, kailangang mag-log ng mga pasahero sa trace.dotrmrt3.gov.ph at ilagay ang basic information tulad ng full name, birth date, address, at contact number.

Pagkatapos nito, kailangang i-activate ng app user ang kaniyang smartphone location services.

Kapag nasa istasyon ng MRT-3, kailangang i-scan ng pasahero ang unique quick response (QR) code sa ilang designated areas sa istasyon.

Ipapakita ng user ang verification message sa security personnel bago papasukin sa istasyon.

Lahat ng makukuhang impormasyon ay ita-transmit sa Data Center ng MRT-3 para sa seguridad at mas madaling pag-trace sa mga indibidwal.

Tiniyak din ng pamunuan ng tren na sumusunod ang MRT-3 Trace sa Republic Act 1017 o Data Privacy Act.

Kung wala namang smartphone ang pasahero, maaari pa ring magsulat sa health declaration forms na ibibigay ng security personnel bago pumasok ng istasyon.

Read more...