Ilang LGU, nagsimula nang bumili ng bakuna vs COVID-19

Nagmamadali na ang lahat upang makakuha ng bakuna kontra sa COVID-19 vaccine.

Kaya naman ang mga mayayamang lungsod lalo na sa Metro Manila kanya-kanya ng pagbili ng bakuna.

Ang Lungsod ng Pasig, ayon kay Mayor Vico Sotto, nag-order na ng 400,000 doses ng bakuna mula sa AstraZeneca na nagkakahalaga ng P100 milyon.

Sinabi nito na araw ng Linggo sila lumagda kasama ang ilang mga local government unit at national government ng tripartite agreement sa British-Swedish pharmaceutical firm.

Bukod pa aniya ang nasabing doses sa ipagkakaloob ng pamahalaang nasyunal at ang bibilhin nila sa iba pang vaccine manufacturer.

Sa phase 1 ng vaccination program, ang medical frontliners ang makikinabang habang ang mga senior citizen at persons with disabilities sa Phase 2.

Libreng ipamamahagi ang bakuna sa mga taga-Pasig.

Hinimok naman ni Sotto ang publiko na maniwala sa mga eksperto na nagsabi na ligtas ang bakuna.

Sa Facebook post naman ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, 100,000 doses ng COVID-19 vaccines mula AstraZeneca.

Sabi ni Mayor Toby Tiangco, 50,000 residente ang unang mababakunahan oras na dumating ito sa ikalawang bahagi ng kasalukuyang taon.

Nauna nang sinabi ng alkalde na naglaan ang lungsod ng P20 milyon upang ipambili ng bakuna pero maaari pa itong itaas.

Ang Lungsod ng Makati naman, ayon kay Mayor Abby Binay, ay bibili ng isang milyong doses ng bakuna sa AstraZeneca para sa lahat ng kanilang residente maging sa non-resident property and business owners sa lungsod.

Magsasagawa din aniya ang lungsod ng information campaign ukol sa bakuna para mawala ang duda ng publiko.

Sinabi rin nito na isinasapinal pa nila ang kasunduan sa ibang vaccine manufacturers.

Target ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng 100 percent vaccination sa Makati.

Ang Lungsod ng Caloocan, sabi naman ni Mayor Oscar Malapitan, lumagda rin sa kasunduan sa AstraZenica para makabili ng 600,000 bakuna kontra COVID-19.

Sa Facebook post ng Manila City PIO, lumagda rin ang lungsod ng kasunduan sa AstraZenica upang bumili ng 800,000 bakuna.

Read more...