Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang January 10, nasa 13,018 pa rin ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Filipino mula sa 84 na bansa at rehiyon.
Sa nasabing bilang, 3,624 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.
Wala namang bagong gumaling kung kaya 8,460 pa rin ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.
Wala ring bagong napaulat na nasawi.
Dahil dito, 934 pa rin ang COVID-19 related deaths sa mga Filipino abroad.
Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na OF sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,712 na kaso.
Sumunod dito ang Europa na may 1,809 confirmed COVID-19 positive cases na OF.
Nasa 787 naman ang kaso sa Americas at 2,710 sa Asia Pacific Region.
Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pinoy sa ibang bansa at handang umasiste sa mga Filipino na apektado ng COVID-19 pandemic.