Mayorya ng mga Pinoy, nababahala na magkaroon ng COVID-19 – Pulse Asia

Mayorya ng mga Filipino adult ang nababahala na magkaroon ng Coronavirus Disease o COVID-19, batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.

Sa inilabas na datos, lumabas na 94 porsyento ng mga Filipino ang nababahala na maapektuhan ng nakakahawang sakit kung saan 74 porsyento ang ‘very much worried’ at 20 porsyento ang ‘somewhat worried.”

Nasa tatlong porsyento naman ang hindi pa matukoy kung nababahala o hindi habang tatlong porsyento rin ang hindi nababahala.


Samantala, lumabas din sa survey na 95 porsyento sa mga Filipino ang may kamalayan na mayroon nang ginagawang bakuna para labanan ang COVID-19 habang limang porsyento ang hindi.

Nang tanungin kung magpapaturok sakaling magkaroon na ng bakuna, 47 porsyento ang sumagot ng ‘no,’ 32 porsyento ang ‘yes,’ at 21 porsyento ang ‘cannot say.’


Batay sa survey, 84 porsyento sa mga Filipino ang hindi pa tiyak sa kaligtasan ng bakuna.

Nasa pitong porsyento naman ang nagsabing maaaring hindi libre ang bakuna, limang porsyento ang nagsabing hindi kailangan ang bakuna kontra COVID-19 at apat na porsyento ang nagsabing maaaring mahal ito.

Isinagawa ang survey mula November 23 hanggang December 2, 2020 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 2,400 representative adults na may edad 18 pataas.

Read more...