Mga nasa likod ng pagbebenta ng mga malalaswang kagamitan, ipinahahabol sa DTI

Kinalampag ni Deputy Speaker Benny Abante ang Department of Trade and Industry (DTI) upang habulin ang mga nasa likod ng pagbebenta ng ‘porn equipment and materials’ sa online.

Partikular na pinahahabol ng kongresista sa mga otoridad ang porn materials at equipment na ibinebenta sa mga malalaking online shopping application na Lazada at Shopee.

Posible aniyang nagagamit ang mga ito para sa pagpo-produce ng child pornography lalo’t kapuna-puna ang pagdoble ng suspicious transaction reports (STRs) dito.

Batay sa impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), mula Enero hanggang Hunyo ng 2020 ay tumaas sa 27,217 ang mga kahina-hinalang transaksyon na iniuugnay sa child-pornography na mas mataas ng 2.5 times kumpara sa 10,627 na naiulat na STRs sa buong 2019.

Aabot ang STRs sa P113.1 milyon noong 2020 na doble sa naitalang P65.8 milyon noong 2019.

Bukod aniya sa mahuli ang mga producer at mga nagbebenta ng child-pornography ay dapat na matukoy at mapatigil din ang mga nagbebenta ng porn materials gamit ang mga shopping apps.

Pahayag ito ng mambabatas, kasunod ng balitang pagbebenta ng mga estudyante ng mga malalaswang larawan at video para may ipantustos sa kanilang distance learning at ang pagtaas na rin ng bilang ng mga naaabusong kabataan sa gitna ng pandemya.

Read more...