Sa kabila ng desisyon ni Mayor Isko Moreno na pagkansela ng tradisyonal na pagtitipon ng milyun-milyong deboto dahil sa banta ng COVID-19, tiniyak pa rin ng PCG na handa ang kanilang mga tauhan at asset sakaling humiling ang Manila LGU.
Ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral George Ursabia Jr kay Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon (CGDNCR-CL) Commander Commodore Charlie Rances na itipon ang kanilang security personnel at magsagawa ng inspeksyon sa land at floating assets.
“Supporting the local government in ensuring safety and security during the annual celebration of ‘Traslacion’ has been our commitment to our kababayans who exercise their religious beliefs every ninth day of January. However, given the pandemic, we understand that the health and welfare of our fellow Filipinos should be our utmost priorities,” pahayag ni Ursabia.
Maghahanda pa rin aniya sila sa posibleng deployment, lalo na sa pagpapatupad ng minimum health standards, pagpapanatili ng kaayusan at seguridad, at pagbibigay ng medical assistance kung kakailanganin.
Hinikayat naman ng PCG ang mga deboto na planong bumisita sa Quiapo Church, Sta. Cruz Church, San Sebastian Church, at iba pang simbahan na sumunod sa health protocols.