PAGASA: Mababa ang tsansa na magkaroon ng bagyo sa bansa ngayong linggo

Photo grab from DOST PAGASA website

Umiiral pa rin ang dalawang weather system sa bansa, ayon sa PAGASA.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Benison Estareja na nakakaapekto ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ sa parteng Mindanao.

Magiging maulap pa rin ang kalangitan at posibleng makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan sa halos buong Mindanao.

Bahagya naman aniyang lumalakas ang Northeast Monsoon o Amihan sa Luzon.

Bunsod nito, mararamdaman pa rin ang pag-ulan sa Cagayan Valley at Cordillera.

Sa natitirang bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila, maaaring makaranas ng maulap na papawirin at may tsansa lamang ng pulo-pulong mahihinang pag-ulan sa susunod na 12 oras.

Sa bahagi naman ng MIMAROPA at Bicol, posibleng makaranas ng isolated rainshowers.

Samantala, magiging maulap ang kalangitan sa bahagi ng Visayas na posibleng magkaroon ng isolated thunderstorms.

Ani Estareja, walang namamataang bagyo sa paligid ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Mababa rin aniya ang tsansa na magkaroon ng bagyo sa linggong ito.

Read more...