Binay sa komiks ni Roxas: ‘OMG! Nakakahiya!’

 

Mula sa inquirer.net

‘Kahiya-hiya’.

Ganito inilarawan ni Vice President Jejomar Binay ang pagsasalarawan kay dating DILG Secretary at LP standard bearer Mar Roxas sa isang komiks na kumakalat ngayon.

Sa naturang komiks, inilalarawan ang dating Kalihim bilang isang mistulang bayani na sinasagip ang mga residente ng lalawigan ng Leyte sa kasagsagan ng bagyong Yolanda.

Sa kanyang pagharap sa mga residente ng lalawigan ng Tacloban City, inakusahan ni Binay si Roxas bilang isang ‘maestro ng propaganda’ at muli itong inihambing sa chief propagandist ni Nazi Dictator Adolf Hitler na si Joseph Goebbels.

“Ang yabang-yabang nito, sabagay e ngayon ho nagpagawa pa ng comics. My God! How shameful it is,” pahayag ni Binay sa mga dumalo sa Tacloban Astrodome kagabi.

Giit ng Pangalawang Pangulo, sa ilalim ng kanyang administrasyon, hindi mauulit ang kahalintulad na mga pangyayari na naging mabagal ang pagtugon umano ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng Yolanda.

Isinisi rin ni Binay na dating chairman ng National Housing Authority ang mabagal na pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan na nakatulong sana na mabigyan ng agarang pabahay ang mga residente ng Leyte.

Bagamat naka-budget na aniya ang pondo para sa pagpapatayo ng mga bagong tirahan, hindi ito aniya agad na ini-release kaya’t nabalam ang housing projects para sa mga Yolanda victims.

Read more...