$34-M ng $81-M, maari pang mabawi – Recto

 

Hinimok ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang mga law enforcement agencies na bilisan ang pagkilos para marekober pa ang natitira sa $81 milyong pondong ninakaw ng hackers sa Bangladesh at ipinasok dito sa bansa.

Ayon kasi kay Recto, nasa $34 million pa sa perang ito ang umiikot o nananatili pa rin dito sa bansa, base na rin sa mga testimonyang inilantad sa pinakahuling pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Napag-alaman kasi sa nasabing pag-dinig na hindi pa lahat ng pera ay matagumpay na nai-launder sa mga casino.

Nang kwestyunin ni Recto, inamin ni casino junket operator Kim Wong na nasa $61 million lamang sa $81 million ang naipasok sa mga casino.

Una nang sinabi ni Wong na ang mga nasa likod ng pagdadala ng $81 million dito sa Pilipinas ay ang kaniyang kaibigang si Shuhua Gao at Ding Zhize, at na kasabwat rin dito ang dating branch manager ng RCBC na si Maia Santos-Deguito.

Sa tantya ni Recto, makakaya pang mabawi ng pamahalaan ang $34 million na kinabibilangan ng:

$17 million na sinasabi ni Wong na nasa Philrem Service Corp. pa rin; $10 million na nasa kaniyang kumpanyang Eastern Hawaiian Leisure Co. Ltd.; $5.5 million na binubuo ng $4.6 million na kinuha ni Wong sa bahay ng opisyal ng Philrem na si Michael Bautista at ang $870,000 na ipinadala ni Wong sa Midas casino; at ang $2.362 million na ngayon ay nasa Solaire casino.

Ani Recto, ang mahalaga ay makuha ang lahat ng maari pang makuha at maibalik sa Bangladesh na hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na isang mahirap na bansa.

Naniniwala naman si Recto na kung totoo nga si Gao, siya ang pinaka-utak ng nakawan at posibleng kilala nito ang hacker.

Read more...