Bangladesh Bank, kukuha na ng IT consultant

 

Mula sa inquirer.net

Nagdesisyon na ang Bangladesh Bank na magtalaga ng isang permanent consultant na magbabantay sa kanilang IT at sa kabuuang seguridad ng kanilang bangko.

Ayon sa isang senior official ng nasabing bangko na tumangging mapangalanan, naghahanap na sila ng consultant na gagawa ng nabanggit na trabaho, at isasailalim ito sa taunang kontrata.

Nauwi sa ganitong desisyon ang Bangladesh Bank matapos silang manakawan ng $101 million ng mga cyber thieves sa kanilang account sa Federal Reserve Bank of New York.

Matatandaang $81 million nito ay nakalusot sa Pilipinas, habang ang $20 million naman ay dinala sa Sril Lanka ngunit nagawa nila itong mapigilang makarating sa mga sangkot sa krimen.

Nabulabog ng naganap na nakawan hindi lang ang security system ng BB, kundi ng buong banking system ng Bangladesh.

Nakwestyon rin kasi ang kahusayan at karunungan ng mga opisyal ng BB tungkol sa IT matapos ang nakawan, kaya nagdesisyon sila na kumuha na ng consultant.

Sinasabing manggagaling naman sa mga Bangladeshi IT experts na nasa ibang bansa ang basehan ng pagkuha ng consultant.

Gayunman, sinabi naman ni Bangladesh Bank spokesman Subhankar Saha na wala siyang alam tungkol sa desisyon na mag-hire ng IT consultant dahil mayroon naman na silang IT governance specialist.

Read more...