Ayon sa senador, batid niyang kailangan ang pagtataas ng kontribusyon para mapalawig ang serbisyo ng PhilHealth subalit may nararanasan aniyang pandemya at hirap ang maraming Filipino.
Ang dagdag na 0.5 percent na bayarin sa PhilHealth contribution ay magiging dagdag na pasanin aniya sa mga mamamamyan.
“Kaya nga po noong nakaraang Mayo ay sinabi ni pangulo na boluntaryo lang sa OFWs ‘yung pagbabayad ng remittances,” ayon kay Go.
Apela ni Go sa PhilHealth, huwag nang dagdagan pa ang pasanin ng publiko.
“Huwag nating dagdagan ang kanilang mga pasanin. Pwede nating pag aralan na i-amend ‘yung law or i-defer natin ito through a provision in Bayanihan 3. Kung magpasa tayo ng Bayanihan 3, pwede pong ma-identify ng gobyerno doon sa batas kung ano ang pwedeng i-defer muna while nasa pandemic pa tayo,” dagdag ng senador.
Tinukoy ng senador ang mga OFW na nawalan ng trabaho na tiyak aniyang walang maipambabayad.
Sinabi ng senador na personal niyang iniapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na baka maaaring sagutin na lamang muna ng pamahalaan sakaling magkaproblema sa pondo ang PhilHealth kalaunan.
“We cannot afford also na masakripisyo itong UHC natin dahil lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng Universal Health Care Law. Ayaw nating umabot sa punto na wala nang pambayad ang PhilHealth,” paliwanag ng senador.
Kung mauubusan aniya ng pondo ang PhilHealth ay dapat saluhin ng ito ng gobyero para hindi mahirapan sa pagpapaospital ang PhilHealth members.
Paalala naman ng senador sa PhilHealth, gamitin ng tama ang pera ng taumbayan at tiyaking hindi ito mananakaw.
“Malaki ang tiwala ko kay PhilHealth Chair Atty. Dante Gierran na ni piso hindi siya papayag na may mabalitaan pa tayong may manakaw na pera sa PhilHealth,” ayon kay Go.